Tiniyak ng Pamahalaang Lungsod ng Santiago ang kanilang kahandaan na maging host ng Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) meet sa 2025.

Ito ang unang pagkakataon na magho-host ang pamahalaang lungsod ng regional event sa pagtatatag ng kanilang malapit nang matapos na Santiago Sports Arena.

Sinabi ni City Mayor Alyssa Sheena Tan na nakipagpulong ang mga opisyal ng Department of Education Region 2 sa pamahalaang lungsod at tinalakay ang mga paghahanda para sa pagho-host ng 2025 CAVRAA.

Nabatid na ang arena ay isang state-of-the-art sports facility na may 4,000-seat capacity oval, track and field facility, Olympic-size na swimming pool, sapat na shower room, people’s plaza, sports court, at malawak na parking area.

Sinabi ni Tan na pinangasiwaan ng mga opisyal ng lungsod ang malawak na koordinasyon sa iba’t ibang departamento ng lungsod upang matiyak ang napakagandang karanasan ng mga bisitang delegasyon sa pagsasagawa ng CAVRAA sa Abril 2025.

-- ADVERTISEMENT --

Inihayag niya na ang pamahalaang lungsod ay mahigpit na nakikipagtulungan sa DepEd – Santiago City upang masiguro ang matagumpay na pagho-host ng CAVRAA ngayong taon na tinitiyak na hindi malilimutan ang iba’t ibang delegasyon ng kaganapan.