Isinailalim na sa state of calamity ang lungsod ng Tuguegarao dahil sa pinsala na iniwan ng bagyong Kristine.
Ito ay matapos aprubahan ng sanguniang panlungsod ng Tuguegarao sa kanilang special session ang rekomendasyon ng City Disaster Risk Reduction and Management Council o CDRRMC na magdeklara ng state of calamity upang mapabilis ang pagpapalabas ng pondo para sa pagtulong sa mga naapektohan ng bagyo.
Batay sa datos na iprinisenta ni City Agriculturist Evangeline Calubaquib, pumalo sa mahigit P10 Million sa mga pananim na mais, palay at high value commercial crops ang napinsala kung saan 2,576 ang mga naapektuhang magsasaka.
Umabot naman sa 9,030 pamilya na katumbas ng 30, 422 katao ang lumikas dahil sa naranasang pagbaha dito sa lungsod ng Tuguegarao.
Bukod sa mga magsasaka, bibigyan din ng tulong ang mga ambulant vendors at tricycle drivers na naapektuhan ang kanilang pangkabuhayan dahil sa baha.