Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa lahat ng tanggapan ng gobyerno at pamunuan ng mga paaralan na agahan ang pagdedeklara ng suspensyon sa mga trabaho at klase sa gitna ng pananalasa ng bagyong Enteng.
Sinabi ng Pangulo, na dapat sa gabi pa lamang bago matulog ay mailabas na ang bulletin.
Habang nasa local government units (LGUs) ang pagpapasya kung suspendihin ang trabaho at pasok sa eskwela sa kani-kanilang lugar.
Kasabay nito, sinabi ni Pangulong Marcos na mas makabubuting huwag na munang magpatawag nang pagpupulong sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) command center sa Quezon City at hayaan na muna silang magtrabaho.
Tuloy naman aniya ang standard operating procedures at pagmonitor ng pamahalaan sa lagay ng bagyo. Mahalaga rin aniya na suriin ang lagay ng mga nagtatrabaho kung makapupunta sa kanilang mga tanggapan at kung ligtas na makauuwi sa kani-kanilang tahanan.
Tiniyak naman ng Pangulo na handa ang gobyerno sa anumang magiging resulta ng pananalasa ng bagyo at tugunan ang pangangailangan ng mga naapektuhang residente.
Dahil sa bagyong Enteng, sinuspinde ng Malakanyang ang pasok sa trabaho at klase sa pampubliko at pribadong paaralan sa National Capital Region (NCR) at Region 4-A kahapon at ngayon.
Ipinapaubaya naman sa mga pinuno ng mga pribadong mga tanggapan ang pagsususpinde ng pasok.