
Nagbabala si Assistant Ombudsman Mico Clavano na ang maagang paglalabas ng ilang findings ng Independent Commission for Infrastructure ay maaaring makaapekto sa patuloy na imbestigasyon ng Office of the Ombudsman kaugnay ng mga maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Clavano, may mga impormasyong hindi pa maaaring ilabas upang mapanatili ang integridad ng imbestigasyon, bagama’t may ilang bahagi na naibahagi sa publiko.
Natanggap na ng Ombudsman ang malaking bilang ng dokumento mula sa ICI, kabilang ang mga transcript, affidavit at iba pang ebidensya, na kasalukuyang sinusuri para sa paghahain ng mga kaso.
Sa ngayon, tatlong batch pa lamang ng mga kaso ang naisampa mula nang simulan ang imbestigasyon noong Setyembre 2025, kabilang ang mga kasong may kaugnayan kina Zaldy Co at Bong Revilla kaugnay ng umano’y ghost at substandard flood control projects.










