
Paiimbestigahan ng Lakas-CMD sa pangunguna ni dating House speaker Ferdinand Martin Romualdez ang mahal, mabagal at hindi accessible na internet services sa bansa.
Batay sa House Resolution 823, aatasan ang Committee on Information and Communications Technology na magsagawa ng inquiry in aid of legislation sa reliability, kalidad, pagiging abot-kaya at remedyo sa mga consumer na may kaugnayan sa internet at data transmission services.
Layon nitong palakasin ang pamantayan ng serbisyo, transparency, kompetisyon at digital inclusion.
Ayon kay Romualdez, sa kabila ng pag-usbong ng makabagong teknolohiya ay napag-iiwanan pa rin ang Pilipinas sa mga kapitbahay na bansa pagdating sa cost-efficient, mabilis at accessible na internet.
Mayroon naman aniyang umiiral na batas gaya ng Konektadong Pinoy Act ngunit hindi pa rin nakikinabang ang mamamayan kaya kailangang suriin kung sapat ang regulatory frameworks, competition policies at consumer protection mechanisms.
Sa pag-aaral ng policy research ng Kongreso, 48.8 percent lamang o wala pa sa kalahati ng mga pamilyang Pilipino ang may access sa internet noong 2024.
Napag-alaman din na nagiging hadlang ang malaking gastos kung saan masyadong mataas ang halaga ng subscription.
Kung pag-uusapan naman ang broadband speed, noong Marso ng nakaraang taon ay pang-limampu’t tatlo lang ang Pilipinas mula sa isandaan at limampu’t apat na bansa.
Sa tinaguriang ASEAN-5 ay pinakamahal umano ang bayad sa internet kada buwan sa Pilipinas na may 44.93 US Dollars.




