Dismayado si Kamanggagawa Party-list Representative Eli San Fernando sa mabagal na pagsita at atrasadong aksyon ng Commission on Audit (COA) sa mga maanomalyang flood control projects sa bansa.
Sa budget hearing ng House Committee on Appropriations ay ipinunto ni San Fernando na ngayon lang naghahalungkat ang COA dahil pumutok na ang issue ng flood control projects.
Bunsod nito ay naniniwala si San Fernando na malamang marami pang ghost at maanumalyang flood control projects at iba pang proyektong pang-imprastraktura ang nakalusot.
Sagot naman ni COA Chairperson Gamaliel Cordoba, sa nakalipas na mahigit isang dekada nakapag-isyu na ang komisyon ng 8,294 Notices of Suspension sa iba’t ibang proyekto na nagkakahalaga ng ₱303.6 billion.
Binanggit ni Cordoba na umaabot naman sa 1,985 Notices of Disallowance ang naisyu ng COA na nagkakahalaga ng ₱5.79 billion, at 54 Notices of Charge na nagkakahalaga ng ₱8.8 million laban sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Kaugnay nito ay pinapasumite naman ni San Fernando sa COA ang listahan ng mga supervising auditors na may hawak sa mga DPWH infrastructure projects lalo na sa Bulacan, Laguna, at iba pang rehiyon kung saan napaulat na may maanumalyang proyekto.