Ninakawan at parang hayop na ginapos ang isang mag-ama sa loob mismo ng kanilang tahanan matapos pasukin ng apat na armadong lalaki ang kanilang bahay sa Brgy. Batal, Santiago City nitong Lunes.

Batay sa ulat ng Santiago City Police Office Station 4, sapilitang pinasok ng mga suspek ang bahay ng mga biktima habang armado ng cal. 38 na baril.

Tinakot at ginapos ang mag-ama sa loob ng isang silid bago nila hinalughog ang buong bahay.

Tinatayang P500,000.00 cash, dalawang gadgets, at isang brown coin purse na naglalaman ng driver’s license, national ID, at Landbank ATM card ang tinangay ng mga salarin.

Matapos ang krimen, tumakas ang mga suspek sakay ng isang kulay gray na Toyota Innova na walang plaka patungong Brgy. Nagassican.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy ang imbestigasyon at koordinasyon ng mga otoridad sa mga kalapit na police stations upang matukoy at madakip ang mga suspek.

Hinihikayat naman ng pulisya ang sinumang may impormasyon na tumulong upang makamit ang hustisya para sa mga biktima.