Dalawang hinihinalang kaso ng anthrax ang naitala sa Barangay Matalao, Sto.Niño, Cagayan, kung saan ang mga pasyente ay mag-ama na 25 anyos at 53 anyos.

Ayon kay Nestor Santiago, provincial surveillance officer ng Provincial Health Office (PHO) Cagayan, noong October 8, 2024 ay nakaranas ng lagnat, panginginig, at nagkaroon ng itim na maliliit na sugat ang nakababatang pasyente habang ang ama ay nakaranas naman ng sintomas noong October 11.

Hindi umano kaagad nagpa-check-up ang mag-ama at uminom na lamang ng gamot sa pag-aakalang gagaling sila.

Sinabi ni ni Santiago na hinihinala na anthrax ang sakit ang mag-ama matapos na kabilang sila sa walo na nagkatay sa kanilang namatay na kalabaw.

Ang karne naman ng kalabaw ay ibinenta sa kanilang barangay.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay nasa Cagayan Valley Medical Center ang mag-ama.

Ipinadala na rin ng CVMC ang sample specimen mula sa mag-ama para sa laboratory process na ipapadala sa DOG at RITM Manila, at inaasahan na makukuha ang resulta sa loob ng pito hanggang 14 na araw.