Nakalabas na sa pagamutan ang mag-ama na pinaghihinalaang tinamaan ng human Anthrax infection sa bayan ng Sto. Nino, Cagayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Dr. Ethel Simeon, municipal health officer ng Sto. Nino na batay sa pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine o RITM ng Department of Health sa sample specimen ng dalawang pasyente, negatibo ang mga ito sa sakit na anthrax.

Matatandaan na dinala sa Cagayan Valley Medical Center o CVMC ang mag-ama mula sa Brgy. Matalao, Sto. Nino matapos na makitaan ng senyales ng anthrax infection gaya ng pagkakaroon ng paltos o bukol na nangangati at lagnat kasunod ng pagkain ng namatay na kalabaw.

Ayon kay Dr. Simeon nagsagawa ng surveillance ang Epidemiology Bureau ng DOH sa mga residente na na-exposed at nakakain ng karne ng mga namatay na alagang kalabaw sa Brgy. Matalao.

Aniya, kinuhanan nila ng sample specimen ang 19 na nakitaan ng senyales mula sa kabuuang 167 na nakakain ng karne ng may sakit na kalabaw.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag ni Simeon na nag-home isolation ang mga nakaranas ng mga platandaan ng sakit samantalang abutin ng dalawa hanggang tatlong linggo bago mailabas ang laboratory test na ipinadala sa RITM Manila.

Nagbigay na rin ang DoH at MHO ng anti-biotics sa mga residente na nakakain ng kontaminadong karne.

Una rito, kinumpirma ng Department of Agriculture (DA)Region 2 na nagpositibo sa sakit na anthrax ang apat na kalabaw na namatay sa Brgy. Matalao, Sto. Nino.

Sa ngayon ay ipinatutupad ang restrictions sa pagbiyahe at pagbibenta ng karne ng kalabaw sa lugar habang isinagawa ng DA ang anthrax vaccination.

Naktakda ring magpasa ng ordinansa ang bayan ng Sto. Nino na magbabawal sa pagkatay ng mga kalabaw na mayroong sakit.