Hanggang sa kasalukuyan ay naka-confine at nasa isolation sa isang ospital dito sa lungsod ng Tuguegarao ang mag-ama na nakitaan ng pinaniniwalaang sintomas ng anthrax matapos na kumain ng namatay na kalabaw na positibo sa anthrax.
Ayon kay Aisha Rowena Arce ng Department of Health Region 2 na hinihintay na lamang nila ang resulta ng specimen na ipinadala nila sa Research Institute for Tropical Medicine para sa confirmation sa tunay na karamdaman ng dalawang suspected anthrax case.
Sinabi ni Arce, nagpatingin ang dalawa sa kanilang Rural Health Unit sa kanilang lugar sa bayan ng Sto. Niño, Cagayan bago nagpakonsulta sa isang ospital sa Tuguegarao dahil sa pamamaga ng kanilang mga sugat, pananakit ng katawan, at lagnat.
Kung makumpirma man ang mga ito ay agad masabihan ang kanilang close contacts at mabigyan ng kinakailangang gamutan, kasama na ang post-exposure prophylaxis.
Tinitiyak naman ng ahensiya na kanila nang ipinatutupad ang lahat ng kinakailangang pag-iingat para epektibong mapangasiwaan at maiwasan ang posible pang banta sa publiko.
Sinabi ni Arce na ang anthrax ay hindi naikakalat ng tao sa tao gaya ng sipon o trangkaso.
Dulot ito ng bacterium na Bacillus anthracis, na nakakaapekto sa mga hayop.
Napakababa ayon sa sa kanya ang pagkahawa ng tao mula sa infected ding tao, at ang mas mataas ang posibilidad ng pagkahawa rito ay yaong mga veterinarian, magsasaka, livestock personnel, at iba pang direktang may contact sa mga hayop o mga produkto mula sa mga ito.