Patay ang mag-ama matapos na sumalpok ang sinakyan nilang motorsiklo sa isang trailer truck sa Delpan Bridge sa Maynila.

Sa paunang pagsisiyasat ng Manila District Traffic Enforcement Unit ng Manila Police District, naganap ang aksidente pasado 12 a.m. kahapon.

Ayon sa pahinante ng truck, nakapila sila papasok ng port nang biglang may kumalabog sa kanilang likuran.

Sa lakas ng impact, nauga aniya ang kanilang truck at pagbaba nila, dito na nila nakita ang mga biktima na nakahandusay.

Base sa kanilang mga ID, mga residente ng Baseco Compound ang dalawang biktima at isa sa kanila ay empleyado ng Metropolitan Manila Development Authority.

-- ADVERTISEMENT --

Pagkarating ng mga kaanak, dito na nalaman na mag-ama pala ang dalawa na parehong nakainom at nagkayayaan na lumabas.

Dinala naman sa ospital ang driver ng truck para sumailalim sa medical treatment.