Patay ang isang lalaki at ang kanyang anak na lalaki sa umano’y anti-drug operation habang isang pamilya na binubuo ng tatlong miyembro ang napatay sa pananambang sa Maguindanao del Norte kahapon.

Sinabi ni Lt. Colonel Esmael Madin, Datu Odin municipal police station chief, napatay ang magsasaka na si
Mandangan Noden, 48-anyos, at kanyang anak na si Iverson, 19-anyos sa drug buy-bust operation sa Barangay Bagoinged sa bayan ng Datu Odin Sinsuat kahapon ng tanghali.

Ayon kay Madin, nakipagbarilan ang mag-ama sa mga mga pulis at mga sundalo sa nasabing operasyon.

Sinabi ni Madin, nang malaman ng mga suspek na mga awtoridad ang kanilang ka-trasaksiyon, nagpaputok sila ng baril na nagbunsod ng dalawang oras na labanan.

Ayon kay Madim, may tumulong na armadong grupo sa mga suspek.

-- ADVERTISEMENT --

Kasunod nito ay tumakas ang armadong grupo sa kagubatan at may nakitang M14 at M16, mga bala, P1.6 million na halaga ng iligal na droga, drug paraphernalia malapit sa katawan ng mga biktima.

Ayon sa pulisya, nagawang makatakas ng isa pang suspek na kinilalang si James, anak ng napatay na suspek.

Samantala, wala pang 30 minuto, isang pamilya na binubuo ng tatlong miyembro ang namatay matapos silang tambangan sa Barangay Nalinan sa bayan ng Sultan Kudarat.

Sinabi ni Lt. Colonel Jopy Ventura, Bangsamoro police, pauwi ang mga biktima na sina Ibrahim Payapat; ang kanyang asawa na si Zenaida Kusain, 32; at anak na babae na si Aisa, 16, sa kanilang lugar sakay ng tricycle nang tambangan sila ng mga salarin.

Dead on the spot si Payapat habang namatay naman habang nilalapatan ng lunas ang kanyang asawa at anak na babae.

Sugatan din ang anak na lalaki ng mag-asawa na nakaligtas sa nasabing pamamaril.

Ayon sa pulisya, iniimbestigahan na ang insidente upang malaman ang pagkakakilanlan ng mga salarin ang ang motibo sa krimen.