Pinawalang-sala ng Sandiganbayan si dating Vice President Jejomar “Jojo” Binay Sr. at kanyang anak na si Jejomar “Junjun” Binay sa kasong graft at falsification of public documents may kaugnayan sa alegasyon ng dinayang mga kontrata na nagkakahalaga ng P1.3 billion para sa konstruksion ng Makati Science High School (MSHS) building nang sila pa ang alkalde ng Makati.

Pinagbigyan ng Special Fifth Division ng anti-graft court ang demurrer to evidence na hiwalay na inihain ng mga Binay at 16 na co-accused, na mga conrtractors o mga empleyado ng Makati City Hall na humawak sa procurement, na nagbigay-daan para ibasura ang mga asunto laban sa kanila.

Ang demurrer to evidence ay isang mosyon na humihiling na ibasura ang kaso base sa kakulangan ng ebidensiya na inihain sa korte na nagreresulta ng acquittal.

Nakasaad sa 86 pahinang resolusyon, nabigo ang prosecution na patunayan ang conspiracy, bad faith, gross inexcusable negligence, at manifest partiality sa nasabing proyekto batay sa mga alegasyon sa reklamo.

Inihain ang reklamong plunder at graft noong December 2014 laban sa mga Binay dahil sa alegasyon na overpriced na paggawa ng 10-story MSHS building sa Barangay Cembo na ngayon ay bahagi na ng Taguig.

-- ADVERTISEMENT --

Hiniling ng grupo na tinawag na anticorruption advocates na pinangunahan ni Renato Bondal, dating barangay captain at kaalyado ng Binay, sa Ombudsman na maghain ng kasong kriminal laban sa mga Binay dahil sa pakikipagsabwatan para kumita ng P862 million sa contruction ng school building.

Sinabi ng grupo na ang orihinal na pagtaya sa halaga ng nasabing proyekto ay P470 million, subalit lumobo ito ng P1.3 billion.