Boluntaryong nagbalik loob sa mga otoridad ang mag-asawang naging supporter ng makakaliwang grupo.

Ayon sa Cagayan Police Provincial Office, pagkatapos ngang mapagtanto ng mag-asawa na nalinlang lang sila ng makakaliwang grupo ay nagboluntaryong sumuko sina alyas Marco, 26 anyos, at ang asawang si aka Betty, 27 anyos, parehong magsasaka at residente sa bayan ng Sta. Teresita, Cagayan.

Ayon sa mga ito, taong 2019 hanggang 2021 noong sila ay naging kasapi ng Militia ng Bayan kung saan ay naging messenger sila ng makakaliwang grupo.

Sila ang nagsusuplong sa mga galaw ng mga tropa ng gobyerno sa bayan ng Gonzaga, Sta. Teresita, at Sta. Ana, Cagayan.

Naging taga-bili din sila ng mga pangangailangan ng mga Communist Terrorist Group tulad ng pagkain at mga medisina pagkatapos nito ay dinadaanan sa kanilang bahay tuwing gabi.

-- ADVERTISEMENT --

Ang kanilang boluntaryong pagsuko ay bunga ng pinaigting na monitoring ng mga kapulisan kaugnay sa programa ng EO70 NTF ELCAC para mabawasan at masugpo na ang problema ng insurhensiya sa lugar.

Pinauwi din ang mag-asawa pagkatapos ng custodial debriefing at isasali din sila sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng gobyerno.