Nahulog ang mag-asawa mula sa carrier ng sinakyang jeep na ikinasawi ng misis at ikinasugat naman ng kanyang mister sa bayan ng Lal-lo, Cagayan.
Sinabi ni PCORP Elmer Ballod Jr. ng PNP-Lal-lo na residente ng Brgy. Palayag, Amulung West ang mag-asawa.
Galing sa family outing sa Gonzaga ang mag-asawa kasama ang iba nilang kaanak.
Pauwi na ang mga ito kung saan ay sumakay sa carrier ng jeep ang mag-asawa kasama ang iba at nang makarating sila sa pakurbadang bahagi ng lansangan ay nahulog ang mag-asawa.
Hindi pa umano agad napansin ng driver na may nahulog na pasahero ang driver ng jeep na kanila ring kaanak kung kaya umabot pa ng 20 meters ang layo bago ito huminto.
Dahil sa matinding tama sa ulo ay dead on arrival sa pagamutan ang babae habang ang kanyang asawa ay nagtamo ng bali sa kanyang paa na inilipat sa Cagayan Valley Medical Center para sa karagdagang atensiyong medikal.