TUGUEGARAO CITY- Pinuri ni Roger Labang ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board o LTFRB sa mabilis nilang aksion sa kanilang reklamo laban sa isang driver ng van na naningil sa kanila ng sobra kamakailan.
Sinabi ni Labang na matapos ang ilang araw ay may tugon na ang LTFRB sa kanilang reklamo matapos ang kanilang komprontasyon sa driver at matapos magsagawa ng kaukulang imbestigasyon ang tanggapan.
Pinagmulta ng LTFRB ang driver na si Emerson Viernes at operator ng van na si Orlando Jacobe ng P15,000 dahil sa overcharging sa pasahe, kabiguang magbigay ng diskwento at maglaan ng upuan para sa may mga kapansanan.
Bukod dito, suspindido rin ng anim na buwan ang lisensiya ni Viernes.
Matatandaan na siningil ang mag-asawang Labang ng P800 mula Tuguegarao City patungong Allacapan sa halip na P150 kada isa lang.