Hindi na makikipagtulungan ang mag-asawang Sarah at Curlee Discaya sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa ginagawang imbestigasyon tungkol sa umano’y anomalya sa mga flood control projects.

Ayon sa Executive Director ng ICI na si Atty. Brian Hosaka, umatras ang mag-asawa sa pakikipag-cooperate matapos nilang mapanood ang panayam kay ICI Commissioner Rogelio Singson, na nagsabing wala pang nakapasa bilang state witness sa kasalukuyang imbestigasyon.

Bagamat hindi na makikipagtulungan ang mag-asawa, tiniyak ni Hosaka na hindi ito makakaapekto sa patuloy na pagsisiyasat ng ICI. Mayroon pa rin silang mga ibang mapagkukunan ng impormasyon upang maitayo ang kaso laban sa mga sangkot at makapagbigay ng rekomendasyon sa Office of the Ombudsman.

Ang mag-asawang Discaya ay kabilang sa mga kontratista na iniuugnay sa mga kontrobersyal na flood control projects. Nakarating sila sa ICI para sa ikatlong pagdinig nitong Oktubre 15 matapos nilang ipagpaliban ang nakatakdang hearing noong Oktubre 7 upang makapaghanda ng mga dokumento.

Kasabay nito, may isinampa ring mga reklamo laban sa mag-asawa at isang opisyal ng korporasyon ng Bureau of Internal Revenue sa Department of Justice dahil sa P7.1 bilyong buwis mula 2018 hanggang 2021.

-- ADVERTISEMENT --