
Pumunta si contractor Pacifico “Curlee” Discaya II sa Department of Justice para sumailalim sa ebalwasyon para sa kanyang aplikasyon sa Witness Protection Program.
Nakasuot ng bullet-proof si Discaya at may escort siya na personnel mula sa Office of the Senate Sergeant-at-Arms at PNP Police Security and Protection Group.
Kaugnay nito, sinabi ni Justice spokesperson Mico Clavano, kailangan na totoo ang mga sasabihin niya at ilalahad ang lahat ng kanyang nalalaman kaugnay sa mga maanomalyang flood control projects.
Sinabi niya na hindi kakayanin na maging selective sa proseso na ito dahil sa makakaapekto ito sa kanilang aplikasyon para maging protected witness.
Ang mga Discaya, na unang nagpahayag ng kanilang interes na maging state witness, ay isiniwalat ang mga pangalan ng maraming kongresista, kanilang staff, at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways na sangkot umano sa korupsion sa flood control projects.
Una rito, sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla, na kailangan na ibalik ng mga Discaya ang anomang ill-gotten funds, para mapatunayan ang kanilang sinseridad na maging state witness.