Kinumpirma mismo ng kampo ng pamilya Discaya na nasa Pilipinas pa rin ang mag-asawang Sarah at Curlee, may-ari ng St. Gerrard Construction General Contractor and Development Corp.
Ito ang ipinahayag ni Atty. Cornellio Samaniego III, kasunod ng kahilingan ng bagong talagang Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa Department of Justice (DOJ) na ilagay sa lookout bulletin order ang ilang opisyal at contractor ng palpak na flood control projects.
Ayon kay Atty. Samaniego, masayang magkasama ngayon ang mag-asawa sa harap ng dagok sa kanilang pamilya.
Giit ni Samaniego hindi magtatago ang mga Discaya dahil legal o dumaan sa proseso ang kanilang mga proyekto na pinasok sa gobyerno.
Walang aniyang ghost project o budget insertion at lahat ng mga proyekto ay nasa National Expenditure Program (NEP).
Aniya, lahat ng siyam na kompanya ay walang utang na buwis dahil nabigyan ito ng tax clearance nitong January 2025.
Aniya, nakahandang sumipot si Sarah sa Lunes at handa ring sumipot si Curlee kung magpapalabas ng subpoena ang Kamara.