TUGUEGARAO CITY- Nakatutok ngayon ang imbestigasyon ng pulisya sa posibleng pagkakamali ng driver o mechanical error sa pagkahulog ng van sa bangin na ikinamatay ng mag-asawang pastor at dalawang anak nito noong madaling araw ng Sabado de Gloria sa Tabuk City, Kalinga.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni PMSGT Janford Wassig, tagapagsalita ng PNP-Tabuk na bukod sa pagod, ay puyat din na bumiyahe ang magkakapamilyang nasawi na kinilalang sina Pastor Marcelo Sagyaman, 49-anyos, asawang Pastora na si Marivic, 48-anyos at residente ng Conner, Apayao.
Kabilang din sa mga nasawi ang dalawa nilang anak na sina Marvin Sagyaman, 27-anyos, driver ng starex van at Asrel, 12-anyos.
Nabatid na alas-12:00 ng hating-gabi noong Sabado ay bumiyahe pabalik sa kanilang simbahan sa Tabuk City ang magkakapamilya matapos ang tatlong araw na church gathering na isinagawa sa Tadian, Mountain Province.
Kasama nila sa convoy ang isang jeep lulan ang iba pa nilang miyembro na nauna sa Tabuk City at inaantay nila ang mga biktima subalit nang mapansing wala sa kanilang likuran ang van ay nagpasya silang bumalik para salubungin ito.
Gayunman ay nadatnan nila sa pinangyarihan ng aksidente sa Brgy Lucog, Tabuk City ang mga residenteng naghihintay ng responde at nakita ang sasakyan na nakabulagta sa Chico River mula sa pagkakahulog nito sa mahigit 200 metrong taas na bangin.
Tinitignan din ng pulisya na posibleng mechanical error o may problema sa sasakyan ang sanhi ng pagkahulog nito, subalit hanggang sa ngayon ay hindi pa aniya naiaahon ang sasakyan.
Dagdag pa ni Wassig na nagtamo ng mga bali sa katawan at basag ang bungo ng ilan sa mga biktima kung saan narekober ang katawan ng mag-ina sa labas ng kanilang sasakyan habang sumabit naman mula sa itaas ng bangin ang mag-ama.
Sa ngayon ay naiuwi na sa kanilang lugar sa Apayao ang bangkay ng mga biktima habang patuloy ang pulisya sa isinasagawa nitong imbestigasyon sa sanhi ng aksidente.