TUGUEGARAO CITY- Kinasuhan ng syndicated estaffa laban sa mag-asawang lolo at lola na nahuli sa entrapment operation ng PNP dahil sa investment scam.
Kinilala ni PLTCOL Andree Abella, information officer ng PNP Region 2 ang mag-asawa na sina Ernesto, 72 anyos at Merlita Gumarang, 60 anyos, kapwa residente ng Cordon, Isabela.
Sinabi ni Abella na una rito ay may lumapit sa PNP na walong indibidual at nagreklamo matapos na mabiktima umano sila ng mag-asawa kung saan ay hinikayat sila na magbigay ng P400.00 bilang membership fee sa kanilang ipinakilala na investment company na Interim National People’s Initiative Council.
Tiniyak umano ng mag-asawa na mas malaking pera ang babalik sa kanila na mula P30k hanggang P1m na kanilang makukuha sa Disyembre ngayong taon.
Subalit, nagsumbong ang mga nasabing katao sa mga otoridad dahil sa nalaman nila na wala silang permit para sa nasabing kumpanya.
Dahil dito, sinabi ni Abella na nagsagawa din ng pakikipag-ugnayan ang PNP sa Securities and Exchange Commission o SEC at dito nila nalaman na hindi nakarehistro ang nasabing kumpanya.
Sinabi ni Abella na sa pamamagitan ng operasyon ng Isabela PNP, Criminal Investigation and Detection Group Region 2 at Santiago Unit ay nahuli sa entrapment operation ang mag-asawa.