Kulong sa Bureau of Jail Management of Penology sa Kalinga ang isang lalaki na pumatay sa mag-asawang senior citizen sa bayan ng Pinukpuk.

Sinabi ni PCAPT Ruff Manganip, information officer ng PNP Kalinga na ito ay matapos na sampahan ng double murder ang 24 taong gulang na pinaghihinalaan sa pananaga gamit ang itak sa mag-asawang sina Ruben Dangiwan at Apolonia, kapwa 65 years old sa Sitio Magtanga, Barangay Wagud.

Ayon kay Manganip, bago ang krimen ay nagkaroon ng inuman sa bahay ng mag-asawa at pagkalipas ng ilang oras ay umalis na ang iba nilang bisita at ang naiwan na lamang ay ang pinaghihinalaan na kanila ring kapitbahay.

Nagkaroon umano ng komosyon sa Bahay ng mga biktima kaya sumugod ang ama ng suspek at dito ay Nakita niya na duguan at wala nang buhay ang mag-asawa.

Agad din na nahuli ang suspek matapos na aminin ng kanyang ama na ang kanyang anak ang gumawa ng krimen.

-- ADVERTISEMENT --

Sa salaysay naman ng suspek, nagawa umano niyang patayin ang mag-asawa dahil sa hindi niya nagustuhan ang sinabi sa kanya ng matandang lalaki na bagamat ayaw iditalye ay tila tungkol ito sa selos.

Nagtamo ng 13 taga sa katawan ang lalaki habang 11 naman ang babae.