Isinailalim na sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ) ang dalawang testigo sa pagpatay sa apat na katao na isinilid sa isang sasakyan sa bayan ng Piat.
Ayon kay PCOL Ariel Quilang, provincial director ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO), na inaasahan na ang banta sa buhay ng mag-asawang testigo kung kaya agad itong isinailalim sa WPP.
Sinabi ni Quilang na ang dalawang testigo ang magdidiin laban kay Sanggunian Bayan Member ng Amulung, Cagayan na si Joey Bargado at Jojo Vergara, construction worker at residente ng Tuguegarao City, habang patuloy na pinaghahanap ang dalawa pa nilang kasamahan na pawang mga isinasangkot sa pagpatay.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang konsehal at ipinapaubaya ang kasong multiple murder sa kanyang abugado.
Una rito, nadiskubre ang bangkay ng apat na biktima na sina Christian Kaibigan at Joel Bolado, kapwa mula sa Batangas, Michael Eugene Romero ng Quezon City at Rommuel Quinan ng Makati City sa isang kotse sa gilid ng daan sa Brgy. Villarey, Piat na may mga tama ng baril.
Nabatid na may negosyo na buy and sell na sasakyan ang mga biktima at nagawi sa Cagayan para magbenta.