Kulong ang mag-ina matapos ang ginawang panloloob at pagnanakaw sa dalawang eskwelahan sa bayan ng Claveria, Cagayan.
Kinilala ang mga suspek na si alyas Clarita, 50 anyos habang ang anak nito ay si Alyas Ismael, 20 anyos, kapwa residente sa Brgy. Langagan, Sanchez Mira, Cagayan.
Sa panayam kay PMAJ Chrismar Angelo Casilana, hepe ng PNP Claveria, Oktubre 6 nang maiulat ang unang panloloob ng mag-ina sa Magdalena Elementary School kung saan umakyat umano sila sa bubong ng classroom at nilagari ang exhaust tunnel sa kisame at doon sila pumasok.
Dito ay natangay aniya ng dalawa ang isang DepEd issued laptop na pagmamay-ari ng isang guro mula sa nasabing paaralan.
Oktubre 12 nang nasundan pa ang panloloob ng mga ito sa West Central School sa Brgy. Centro 1 kung saan ay puwersahang binaklas naman ang grills ng bintana at tinanggal ang mga jalousie blade nito hanggang sa makapasok at tinangay din ng mga suspek ang isa pang laptop.
Ang insidente ay agad aniyang itinawag sa kanilang tanggapan at positibo ring natukoy ng mga witness ang pagkakakilanlan ng mag-ina habang nagkataon din anya na nakilala rin ito ng imbestigador dahil nagkaroon na sila ng personal encounter matapos magpagala-gala sa nasabing bayan.
Sa tulong din ng mga barangay offials ay nakita ang dalawang suspek na nagpapahinga sa isang kubo sa gitna ng palayan sa Brgy. Centro 7 at dito rin sila nahuli.
Nakumpiska sa mismong kustodiya ng dalawa ang dalawang units ng ninakaw na laptop na may kasamang charger, isang defective cellular phone, dalawang defective solar panels, tatlong USB flash drives, isang gunting at itak.
Sa imbestigasyon ng pulisya ay nabatid na dati na ring sangkot sa insidente ng nakawan ang dalawa at marami rin ang ang nagrereklamo laban sa kanila ngunit hindi na interesado sa paghahain ng kaso.
Sa ngayon ay inaalam naman ng pulisya kung may kinabibilangan bang grupo ng sindikato ang dalawang suspek.