

TUGUEGARAO CITY- Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Bureau of Fire Protection sa pinagmulan ng sunog sa isang bahay sa Gattaran, Cagayan kagabi.
Sinabi ni FSINP. Modesto Macarubbo Jr., fire marshall ng BFP Gattaran, agad rumesponde ang dalawa nilang fire trucks sa Barangay Centro Norte subalit malaki na ang apoy kaya tumulong na rin ang firetrucks ng Lallo, Lasam at Camalaniugan kung saan idineklara nilang fire out matapos ang mahigit isa at kalahating oras.
Ayon kay Macarubbo, namatay sa insidente ang mag-ina na sina Marcelina Bernardo, 90 anyos at anak na si Roger 60 anyos.
Sinabi ni Macarubbo na nailabas na ang mag-ina ng manugang ni Marcelina subalit habang abala ang lahat sa pagtulong sa pag-apula ng apoy ay hindi umano nila namalayan na bumalik ang lola matapos na sabihin na naiwan niya ang titulo ng kanyang lupa.
Ang kanyang anak naman ay bumalik din sa loob sa hindi malamang dahilan.
Nakita ang nasunog na katawan ng lola sa second floor habang sa banyo naman ang anak na posibleng ang ikinamatay ay suffocation.
Bahagya ding nasunog ang katabing bahay na pagmamay-ari ni Eleonor Ursua, retired teacher kung saan nasunog ang ikalawang palapag nito at nagkaroon din siya ng injury.
Sinabi ni Macarubbo na mabilis na kumalat ang apoy dahil may kalumaan na at gawa sa kahoy ang malaking bahagi ng second floor ng nasabing bahay.










