
Magbubukas ang Magat Dam sa Isabela ng anim na spillway gates mamayang 5 p.m. dahil sa patuloy na tumataas ang antas ng tubig sa dam bunsod ng mga pag-ulan na dala ni bagyong Paolo, ayon sa National Irrigation Administration–Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS).
Nagsimula ang pagpapakawala ng tubig kaninang 1 p.m., kung saan isang gate ang binubuksan kada oras hanggang sa mabuksan ang anim na spillway gates.
Ang bubuksan na gate ay karagdagan sa apat na binuksan na spillway gates.
Sinabi ni Engr. Edwin Viernes, chief ng dam at reservoir division, na ang kabuuang volume ng tubig na pakakawalan ay posibleng umabot sa 1,761 cubic meters per second.
Nagbabala siya na posibleng tumaas ng kalahating metro ang ilog sa Buntun Bridge dito sa lungsod ng Tuguegarao sa loob ng 20 oras.