Nakatakdang magpakawala ng tubig ang Magat Dam bukas, December 27.
Batay sa paabiso ng National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS), bubuksan nito ang isang spillway radial gate bukas ng alas dose ng tanghali dahil sa patuloy na pagtaas ng Magat Dam elevation na dulot ng Monsoon rains.
Tinatayang nasa humigit-kumulang 181 cubic meter per second ang volume ng tubig na papakawalan subalit may posibilidad na magbago depende sa dami ng forecasted at actual na pag-ulan sa Magat Wateshed.
Dahil dito, pinag-iingat ang mga naninirahan malapit sa Magat River at Cagayan River dahil sa posibleng pagtaas ng antas ng tubig.
Nauna ng iniulat ng state weather bureau na magdadala ng pag-ulan ang Northeast Monsoon o Amihan sa Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region ngayong araw.