Patuloy ang pagpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam bilang paghahanda sa ulang dala ng Bagyong Paolo.
Sa kasalukuyan ay dalawang spillway gates ang nakabukas na mayroong discharge na 454 cubic meters per second (cms), ayon sa pinakahuling ulat ng National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) ngayong Oktubre 2, 2025, alas-6 ng gabi.
Batay sa tala, nasa 183.57 meters above sea level (MASL) ang reservoir elevation ng Magat Dam, mas mababa sa 186.14 MASL operation rule curve at 190.00 MASL normal high water level.
Samantala, naitala ang inflow o papasok na tubig sa 278.88 cms, habang umabot naman sa 780.67 cms ang kabuuang outflow.
Nagpaalala ang NIA sa mga residente sa mabababang lugar na maging mapagmatyag at sumunod sa mga abiso ng kanilang lokal na pamahalaan at mga kaukulang ahensiya kaugnay ng posibleng epekto ng patuloy na pagpapakawala ng tubig mula sa dam.