Dinagdagan ng isa pang metro ang dami ng pinapakawalang tubig sa isa pang spillway gate ng Magat Dam nitong alas 5:00 ng hapon ng Biyernes dahil sa mga pag-ulan sa Magat Watershed dulot ng bagyong Emong na pinalakas ng habagat.

Dahil dito, 728 cubic meters per second o nasa 3,500 drums sa kada-segundo ang pinapakawalang tubig mula sa dalawang spillway gate ng dam.

Sa ngayon, ang Reservoir Water Level ay umakyat pa sa 187.15 meters above sea level, matapos maitala ang 1046.76 cubic meters per second (more than 5,000 drums per second) na inflow.

Ito ay halos tatlong metro ang layo mula sa 190.00 meters above sea level na normal high water level.

Gayunman, may posibilidad pa itong magbago depende na rin sa inaasahan at aktwal na pag-uulan sa Magat Watershed.

-- ADVERTISEMENT --

Una nang sinabi ni Engr. Edwin J. Viernes, head ng Flood Forecasting & Instrumentation Section ng National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System (MARIIS), layon nitong matiyak na hindi maabot ang critical water elevation sa dam dahil sa mga pumapasok na mga tubig mula sa watershed area ng dam bunsod ng mga pag-ulan.

Patuloy namang pinag-iingat ng NIA-MARIIS ang mga residente malapit sa ilog na dadaanan ng pinapakawalang tubig para malayo sa anumang panganib.