Muling nilinaw ng pamunuan ng National Irrigation Administration– Magat River Integrated Irrigation System o NIA-MARIIS na minimal lamang ang epekto ng pinapakawalan nilang tubig mula sa Magat Dam.

Ayon kay Engr. Carlo Ablan, Division Manager ng NIA-MARIIS, sa 10.7 meters na lebel ng tubig sa Buntun Bridge, nasa 0.5 hanggang 1 meter lamang ang ambag ng Magat Dam sa pagtaas ng lebel ng tubig sa Cagayan river.

Paliwanag niya, hindi lamang ang Magat ang tributary ng Cagayan river kundi nakadagdag rin sa pagtaas ng lebel ng tubig sa ilog ang pagbaba ng tubig mula sa mga kalapit na lalawigan.

Dagdag pa ni Ablan na aabutin pa ng halos isang araw bago marating ng pinakawalang tubig sa Magat dam ang bahagi ng Cagayan.

Sa ngayon ay unti-unti nang binabawasan ng pamunuan ng dam ang inilalabas na tubig matapos maitala ang pagbaba ng inflow o ang pumapasok na tubig sa dam mula sa watershed.

-- ADVERTISEMENT --

Bagamat pitong gates pa rin ang nananatiling nakabukas, subalit nasa 13 meters na lamang ang total opening nito kumpara sa 28 meters kahapon.