TUGUEGARAO CITY – Nakumpiska ng mga otoridad sa bahay ng tatlong magkakapatid at isa nilang bayaw ang baril, granada at ibat-ibang uri ng mga bala sa bayan ng Amulung, Cagayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Police Staff Sergent Manuel Matagay ng PNP-Amulung na kasunod ito ng isinagawang search warrant operation kaugnay sa paglabag sa Republic Act 10591 (illegal possession of firearms and ammunition) sa Barangay Dafunganay.

Target ng operasyon ang magkakapatid na sina Ariel Madriaga, 52-anyos at incumbent Barangay Chairman; Felix Madriaga, 47-anyos at incumbent barangay kagawad; Jovito Madriaga, 43-anyos at bayaw nilang si Adrian Panturgo, 39 anyos at isang Barangay Tanod.

Nakuha sa bahay ni Ariel ang isang unit ng Cal.38 na armas na walang serial number; isang hand grenade; tatlong live ammunition ng Cal.38, labinlimang live ammunition ng Cal.5.56MM at isang sling bag.

Nakumpiska naman sa bahay nina Felix at Jovito ang hand grenade; anim na live ammunition ng Super Cal.38 at apat na live ammunitions ng 9MM.

-- ADVERTISEMENT --

Habang nakuha sa bahay ni Adrian ang isang daang live ammunition ng M16, labing-walong live ammunition ng 5.56MM at sampung live ammunition ng 9MM.

Kasong illegal possession of firearms and ammunition at explosive at paglabag sa Omnibus Election Code ang isinampa laban sa mga suspek.

Sinabi ni Matagay na dinala at pansamantalang ikinulong sa Tuguegarao Police Station dahil sa isyu ng kanilang kaligtasan at malawak ang naturang piitan kung ikukumpara sa Amulung.