Naipagkaloob na ang libreng pabahay na proyekto ng pulisya sa walong magkakapatid na ulilang lubos sa Sitio Daclig, Brgy Poblacion, Ambaguio, Nueva Vizcaya.

Sa ilalim ng ‘Lingkod Bayanihan Project’ ay naipasakamay na ang bagong bahay kay Dennis Mensi, Jr na tumatayong padre de pamilya sa pito nitong kapatid.

Sinabi ni PMAJ Orlando Freedom Tacio, tagapagsalita ng NVPPO na napiling benepisaryo ang pamilya Mensi dahil maikokonsidera ang mga ito na kabilang sa poorest of the poor.

Ania, bata pa lamang ang mga ito nang maulila sa magulang dahilan upang magkawatak-watak ang magkakapatid nang makitira sa kanilang mga kaanak.

Dahil sa Pabahay ng Pulis program ay nagkasama-sama uli ang magkakapatid kung saan ang dalawa ay miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) na siyang sumusuporta sa mga kapatid na nag-aaral pa.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Tacio, 26-taong gulang ang panganay habang ang bunso ay edad siyam.

Kasabay ng kanilang paglipat sa bago nilang tahanan, sinabi ni Tacio na nabigyan din ang magkakapatid ng kanilang pangunahing pangangailangan, gamit sa bahay at marami pang iba.

Ang lupang pinagtirikan ng bahay ng magkakapatid ay donasyon mula sa lokal na pamahalaan habang ang pondo sa pagpapatayo ng bahay ay mula sa pagtutulungan ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) at mga stakeholders.