Pormal ng naiturn-over sa Cagayan Provincial Jail ang magkapatid na naaresto dahil sa kasong panggagahasa sa kanilang menor-de-edad na pinsan na ngayon ay walong buwang buntis sa bayan ng Peñablanca, Cagayan.
Sa ikinasang operasyon noong Lunes, October 3, 2022, sinabi ni PLT Juliet Quinagoran, deputy chief of police ng PNP-Peñablanca na magkasunod na naaresto ng pinagsanib na pwersa ng mga otoridad sina alyas ‘Pepe’, 21-anyos, Top 3 sa regional level at alyas ‘Balong’, 20-anyos, top 7 sa Provincial level, kapwa binata at magsasaka ng Brgy Namabbalayan.
Inaresto ang mga akusado sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong tig-2 counts of rape at walang inirekomendang piyansa.
Ayon kay Quinagoran, taong 2015 nang unang pagsamantalahan ni alyas ‘Balong’ ang kanyang pinsan na naganap sa bahay ng kanilang hipag.
Samantala, nangyari naman ang panghahalay na ginawa ni alyas “Pepe” sa parehong biktima noong September 2021 na noon ay 13-anyos na at nasundan ng panggagahasa ni alyas ‘Balong’ noong October at December, 2021 at muli namang naulit ang panggagahasa ni alyas “Pepe” noong Enero 2022.
Nasa impluwensiya umano ng nakalalasing na inumin ang dalawang akusado at tinatakot ang bata tuwing pagsasamantalahan ito upang di magsumbong sa ama na naiwan sa pangangalaga sa bata habang ang ina ay nasa ibang bansa.
Nakapagsumbong lamang ang biktima nang mapansin na ilang buwan na itong hindi dinatnan o niregla at napansin din ang pagbabago sa pag-uugali nito at laging balisa.
Ayon pa kay Quinagoran, hindi inakala ng mga magulang ng bata na magagawa ng magkapatid ang naturang kahalayan habang nakikitulog sa kanila dahil magkakamag-anak ang mga ito.
Sa monitoring ng pulisya sa biktima ay nagpatuloy ito sa kanyang pag-aaral sa pamamagitan ng learning modules na nakatakdang manganak sa susunod na buwan.