Nag-uwi ng apat na gintong medalya ang magkapatid na mag-aaral ng Ripang Elementary School sa bayan ng Conner, Apayao sa katatapos na International Clubs Taekwando Organizations o ICTO Taekwando Open Championship na ginanap sa Singapore.
Nasungkit ni BHEA JANIZ BEGAY, 10 taong gulang ang dawalang gintong medalya sa KYUKPA at POMSAE at silver naman sa Sparring, samantalang dalawang Gold medals ang nasungkit ng kaniyang kuya sa POMSAE at SPARRING na si LEIF EINSTEIN “APOLLO” BEGAY, 12 taong gulang.
Ayon sa kanilang coach na si Ruth Patayan Viernes, tamang paghahanda at disiplina ang naging puhunan ng magkapatid para makamit ang nasabing karangalan.
Binigyang diin ni Viernes na pinaghandaan nila ang pagsabak sa naturang tournament kung saan itinanim aniya sa isipan ng mga batang manlalaro na walang nananalo o nagiging champion ng hindi pinaghihirapan.
Aniya, nakitaan niya ang magkapatid ng disiplina sa loob at labas ng gym kung kayat hindi umano siya nagtaka na nag-uwi ang mga ito ng apat na gintong medalya at isang silver sa nilahukang international competition.
Labis naman ang pasasalamat ng kanilang mga magulang na sina Engr. BRENT BEGAY, Professor ng Apayao State College at Mrs. RHEA BEGAY, Businesswoman ng Brgy Ripang, Conner sa nakamit na tagumpay ng kanilang anak.
Pinasalamatan naman nila ang sumuporta sa kanilang anak kung saan iniaalay umano nila ang karanagalang ito sa mga tumulong sa kanila at maging sa bayan ng Conner.