
Inihayag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na may pangalawang pagtatangka na suhulan siya at kanyang kapatid na si Ombudsman Jesus Crispin Remulla, para linisin ang pangalan ng ilang personalidad na idinadawit sa flood control scandal.
Sinabi ni Remulla na ang una ay mula sa isang grupo mula sa Visayas-Mindanao at ang isa pa ay mula sa Luzon.
Ayon sa kanya, isang contractor at isang congressman na isa ring contractor ang nagtangka umanong suhulan silang magkapatid.
Sinabi ni Remulla na hiniling sa kanila na tulungan sila sa kanilang kaso, tanggalin sila sa listahan ng mga idinadawit sa eskandalo at payagan silang makapagpiyansa.
Subalit sinabi ni Remulla na tinanggihan nila ang suhol dahil sa wala sa kanilang sistema na tumanggap ng suhol.
Una rito, sinabi ni Remulla na sa isang private meeting dalawang linggo na ang nakalipas, sinabi umano ng “mutual friend” na nag-alok ang isang congressman ng P1 billion para sa kanya at sa kapatid para maghinay-hinay sa imbestigasyon sa flood control scandal.
Nilinaw ni Remulla na hindi si dating Congressman Zaldy Co ang kanyang tinutukoy.
Si Co ay wanted sa kasong graft and malversation sa maanomalyang flood control project sa Mindoro.
Kasabay nito, sinabi ni Remulla na hindi siya magsasampa ng kaso laban sa mga nagtangkang manuhol dahil sa maaari lamang nila itong itanggi.
Ipinarating na rin niya ito kay Ombudsman Remulla, kung saan tinawanan lamang ng kanyang kapatid, at sinabing pangmamaliit ito sa kanila.










