
Isiniwalat ni Interior Secretary Jonvic Remulla na inalok siya at kanyang kapatid na si Ombudsman Jesus Crispin Remulla ng P1 billion para manahimik umano sa imbestigasyon sa flood control projects, na kanila umanong tinanggihan.
Sinabi ni Remulla na ang alok ay mula sa “mutual friend” ng personalidad na idinadawit sa flood control scandal sa isang pribadong meeting dalawang linggo na ang nakalipas.
Ayon kay Remulla, sinabi sa kanya ng kaibigan na maghinay-hinay sa mga isinasagawang imbestigasyon upang hindi sila makasuhan.
Sa kasalukuyan, 26 na inidibidual na ang nakasuhan sa flood control scandal, na kinabibilangan ng 16 may kaugnayan sa P289.5 million project sa Occidental Mindoro, at 10 may kaugnayan sa P96.5 million project sa Davao Occidental.
Sangkot sa kaso sa Mindoro si dating House Appropriations Committee chair at resigned Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, na hanggang ngayon ay hindi pa mahanap kasama ang pitong kapwa mga akusado.
Kasama naman sa kaso sa Davao si contractor Sarah Discaya, na sumuko nitong buwan ng Disyembre kasama ang siyam na iba pang kapwa akusado bago pa man inilabas ang kanilang warrant of arrest.









