Bukod sa mga kasong kriminal, maaari ring maharap sa administratibong imbestigasyon ang magkapatid na sina Senador Mark at Camille Villar dahil sa umano’y kabiguang ibenta ang kanilang mga corporate asset matapos mahalal sa Senado, ayon kay Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos.

Naghain ang Securities and Exchange Commission (SEC) ng criminal complaint laban sa Villar Land Holdings Corp. at ilan sa mga matataas na opisyal nito, kabilang ang dating mga senador na sina Manuel B. Villar Jr. at Cynthia Villar, pati na sina Senators Mark at Camille Villar, dahil sa umano’y market manipulation, insider trading at mapanlinlang na public disclosures.

Ang mga kaso, na inihain sa Department of Justice noong Enero 30, 2026, ay itinuturing na malaking hakbang sa regulasyon laban sa isa sa pinakamalalaking conglomerate sa bansa at nagbubukas ng seryosong usapin hinggil sa corporate governance at proteksyon ng mga mamumuhunan sa capital markets ng Pilipinas.

Sa reklamo, pinangalanan din ng SEC ang panganay na anak ni Villar na si Manuel Paolo Villar, director na si Cynthia Javarez at independent director na sina Ana Marie Pagsibigan at Garth Castañeda.

Ayon kay Santos, ang pagkakasama nina Mark at Camille Villar sa charge sheet ay indikasyon na nananatili silang nakatala bilang mga direktor ng Villar Land Holdings Corp. hanggang sa kasalukuyan.

-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ng kongresista na saklaw ng administrative proceedings laban sa magkapatid ang umano’y kabiguang i-divest ang kanilang corporate interests nang sila ay manungkulan bilang mga senador na maaaring paglabag sa mga umiiral na batas at pamantayang etikal para sa mga opisyal ng gobyerno.

Partikular ding inaakusahan si Camille Villar ng insider trading matapos umanong bumili ng 73,600 shares ng Villar Land noong Disyembre 2017, bago ang isang corporate disclosure na umano’y nagdulot ng pagtaas ng presyo ng shares ng kompanya.