Nasawi ang dalawang batang magkapatid na sina Yana, 5 taong gulang, at Lukas, 2 taong gulang, matapos silang malunod sa dagat malapit sa kanilang bahay sa El Salvador City, Misamis Oriental noong Hunyo 14.
Ayon sa kanilang ina na si Angelica Lariosa, hindi niya pinayagang maligo sa dagat ang kanyang mga anak, ngunit inaya umano ang mga ito ng nobya ng kanyang kapatid na si Kristine, kasama ang isa pang batang si Samantha.
Sa gitna ng paglalaro sa tabing-dagat, bigla na lamang umanong lumubog sa malalim na bahagi ang apat na bata.
Nailigtas sina Kristine at Samantha, ngunit hindi agad nakita sina Yana at Lukas.
Ayon sa mga saksi, tila may malakas na puwersang humihigop sa ilalim ng tubig, at may kakaibang amoy ang dagat.
Dahil dito, pinaniniwalaan ng ilang residente na hindi simpleng aksidente ang nangyari, kundi kagagawan ng umano’y “siyokoy” na nangunguha ng tao sa dagat.
Kinagabihan, nakita ang bangkay ng dalawang bata sa parehong lugar kung saan sila nawala.
Ayon sa mga kaanak, nag-alay pa sila ng damit at pera upang mabawi ang katawan ng mga bata.
Sa sobrang takot, nagpasya ang pamilya ni Angelica na lisanin ang kanilang bahay sa tabing-dagat.
Samantala, may paliwanag ang Philippine Coast Guard at mga eksperto kung paano maaaring nadala sa malalim ang mga bata at bakit nananatiling buhay ang paniniwala sa mga nilalang gaya ng siyokoy.