Dalawang anggulo ang sinisilip na motibo ng pulisya sa pagpatay sa mag-live in partner na negosyante sa bayan ng Aparri, Cagayan.

Ayon kay PCPL Dharyl Jhon Bingil, imbestigador ng PNP- Aparri na kasama sa pinag-aaralan ng pulisya sa nangyaring pagpatay sa mga biktima na sina Derlina Bambalan, 47-anyos at Ramon Ramones, 67-anyos, kapwa residente ng Brgy. Punta ay ang anggulong may kinalaman sa negosyo at pagnanakaw.

Aniya, nawawala umano ang dalawang bag ng mga biktima na naglalaman ng hindi pa matukoy na halaga ng pera, kasama na ang log book o listahan ng kanilang mga pautang.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid na dakong alas-7:30 ng umaga nitong Biyernes, June 9 nang madatnan ng anak ni Ramones ang nakahandusay na katawan ng kanyang ama at live-in partner nito sa loob ng kanilang bahay.

Naidala pa sa pagamutan ang lalaki subalit binawian din ng buhay dahil sa matinding tama sa ulo.

Batay sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operations (SOCO), pinukpok sa ulo ang dalawang biktima subalit hindi na narekober sa pinangyarihan ng krimen ang ginamit sa pagpatay.

Bagamat kasama ng dalawa sa bahay ang ina ni Ramones, mahina na rin ito dahil sa edad na 86 at nasa kanyang kwarto lamang.

Patuloy namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga otoridad at inaalam na nila kung mayroong nakalagay na close circuit television (CCTV) camera sa lugar na posibleng dinaanan ng suspek na makatutulong sa kanilang imbestigasyon.