TUGUEGARAO CITY- Huli ang isang lalaki matapos maiwan nito ang kanyang mga gamit na naglalaman ng kanyang pagkakakilanlan sa loob ng bahay na kanyang nilooban sa bayan ng Solana, Cagayan.
Sa naging panayam sa biktima na si Mary Ann Manzano, 26-anyos, residente ng Brgy. Gaddu, gabi ng Sabado ng maiwan sila kasama ang kanyang dalawang anak sa kanilang tahanan matapos magpunta sa bukid ang kanyang asawa para magpatubig.
Ayon kay Manzano, nagising siya ng pasado alas-10 ng gabi dahil siya’y nauuhaw at pagkarating nito sa kusina ay laking gulat niya nang makita ang isang lalaking may takip ang mukha.
Agad hinila ng suspek ang biktima nang kanya itong makita at sinaksak sa kanyang dibdib at sinubukan namang manlaban ng biktima ngunit muli siyang sinaksak sa kanyang kamay at binti.
Nagawa pang makatakbo ng biktima subalit nahila pa rin ng suspek ang kanyang buhok at iniuntog ang ulo nito sa dingding kung kaya’t nawalan siya ng malay.
Sa pag-aakalang patay na ang biktima, nagmadaling umalis ang suspek at naiwan nito ang tatlong cellphone, wallet at bag na naglalaman ng kanyang pagkakakilanlan na si Jessy Banate, 32 anyos, kapitbahay din ng biktima.
Nahuli ang suspek sa Brgy. General Balao matapos isumbong ng kanyang mga kaanak nang malaman ang ginawa nito.
Depensa naman ng suspek sa PNP, nasa impluwensiya siya ng nakalalasing na inumin ng mangyari ang insidente at hindi umano niya alam ang kanyang ginawa.
Sa ngayon, nasa mabuti ng kalagayan ang biktima habang nasa kustodiya na ng PNP-Solana ang suspek na nahaharap sa kasong frustrated murder.