TUGUEGARAO CITY- Nakakulong na sa Bureau of Jail Management and Penology ang isang lalaking nagnakaw ng kalabaw at baka sa bayan ng Allacapan, Cagayan.

Kinilala ang supek na si Alex Corpuz, 26-anyos, residente sa Barangay Macutay.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni P/Cpl Ariel Beltran ng PNP-Allacapan na nagpasya ang suspek na ikostodiya siya sa BJMP Ballesteros matapos ang pagkakahuli sa kanya sa ikinasang entrapment operation sa bayan ng Gattaran.

Una rito, natunton ng biktimang si Edison Ignacio ang kanyang nawawalang kalabaw matapos magreklamo sa barangay at pulisya ang buyer na si Joseph Collado, 33-anyos sa kawalan ng dokumento ng biniling kalabaw na ibiniyahe ng suspek mula Lallo hanggang Allacapan noong October 4.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil sa pagdududa, nagbigay lamang si Collado ng P20,000 bilang paunang bayad sa kabuuang P45,000 na napagkasunduang presyo ng kalabaw.

Kinabukasan, nakipag-ugnayan sa pulisya si Collado na dahilan upang isagawa ang entrapment operation laban sa suspek na nakipagkasundo na bayaran siya sa bayan ng Gattaran.

Subalit may inutusan lamang ang suspek na bata para kunin ang pera na naging daan upang matunton ito ng mga otoridad.

Bukod dito, sinabi ni Beltran na una na ring nagnakaw ang suspek ng isang baka at ibinenta sa isang Tito Basillio na nakilala lamang niya sa lansangan sa Allacapan.

Ang naturang baka ay natunton sa bayan ng Abulug kung saan nabenta ni Basillio na nakapagpagawa sa barangay ng pekeng certification nito.

Dagdag pa ni Beltran na kasama sa kinasuhan ng Anti-Cattle Rusling Law si Basillio na naging kasabwat ng suspek.