Nilalapatan ng lunas sa Cagayan Valley Medical Center sa lungsod ng Tuguegarao ang magsasaka na binaril ng kapwa magsasaka sa bayan ng Santo Niño, Cagayan.

Kinilala ni PMAJ Rouel Meña ng Santo Niño Police Station ang biktima na si Christopher Gorospe, 42-anyos, habang ang suspek ay si Jolan Umotoy, 32-anyos, kapwa residente ng Barangay Nag-uma.

Sinabi ni Meña na lumalabas sa kanilang imbestigasyon na nagalit ang suspek nang malaman niya na tinanggal ng biktima ang inilagay niyang mga bakod sa hangganan ng kanilang taniman ng mga gulay.

Nang komprontahin ng suspek ang biktima, naglabas ng tabas si Gorospe habang improvised shotgun naman ang armas ni Umotoy.

Binaril ng suspek ang biktima na agad na dinala sa pagamutan.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Meña na naglagay ng mga bakod ang suspek dahil sa lumalampas umano ang biktima sa kanyang tinatamnan na lupa.

Tumakas ang suspek subalit sumuko din sa mga opisyal ng barangay kasama ang ginamit na armas