TUGUEGARAO CITY- Alitan sa lupa ang nakikitang dahilan ng PNP sa nangyaring pamamaril at pananaga sa Gonzaga, Cagayan kagabi.
Sinabi ni PMAJ. Ronald Balod, hepe ng PNP Gonzaga, sa kanilang imbestigasyon, unang sumugod si Nestor Indika, 73 sa bahay ng mag-amang suspek na sina Baltazar at Juvenal Bautidsta na lasing at may hawak na tabas sa Brgy. Magrafil.
Subalit nang hindi makayanan ang mag-ama ay nagpatulong siya sa kanyang anak na si Romenick na may dalang baril.
Pagdating ng mag-amang Indika sa bahay ng mag-amang Bautista ay agad silang pinagbabaril kung saan tinamaan ng dalawang beses ang nakababatang Indika na dahilan ng kanyang pagkamatay.
Makalipas ang ilang oras nang dinala ang mag-amang suspek sa presinto ay bumalik din ang nakatatandang Indika sa bahay ng mga suspek at pinagtataga ang asawa ni Bautista na ngayon ay nasa ospital.
Nakuha sa mag-ama ang carbine rifle na siyang tumama sa biktimang si Romnick at dalawang .38 pistol at mga bala.
Sinabi ni Balod na ang dahilan ng mag-ama sa pag-iingat ng mga baril ay para umano sa self-defense dahil sa liblib ang kanilang lugar.