TUGUEGARAO CITY- Duda ang PNP sa Amulung na nagpakamatay ang isang magsasaka gamit ang kanyang shotgun sa Brgy. Magogod.

Sinabi ni PMSGT Teotimo Pagulayan ng PNP Amulung, ito ay dahil sa baga ang tama ng biktima na si Melchor Maladrigo, 56 anyos.

Bukod dito, sinabi ni Pagulayan na nakapatong ang ulo ng biktima sa ginamit na baril sa umano’y pagpapakamatay.

Sinabi pa ni Pagulayan na sa kanilang pagtatanong sa misis ng biktima, matagal na umanong may iniindida itong sakit sa kanyang baga.

Ayon naman kay Noel Verno, kapitan sa nasabing barangay na bago ang insidente ay inutusan umano ng biktima ang kanyang misis na bumili ng kanyang gamot.

-- ADVERTISEMENT --

Subalit pagkalipas lamang ng ilang sandali ay may narinig na putok ng baril ang mga kapitbahay ng biktima.

Agad nilang tinungo ang tahanan ng biktima at nakita na siya ay duguan at wala ng buhay.