Putol ang paa at halos maihiwalay na ang ulo sa katawan ng isang magsasaka dahil sa pananaga ng kanyang kamag-anak sa bayan ng Amulung, Cagayan.
Kinilala ang biktima na si Tirso Mamanao, 61-anyos ng Barangay Anquiray.
Ayon kay PLT Gerly De Leon, deputy chief of police ng PNP Amulung na nakasagutan ng biktima ang suspek na si Alexander Mamanao, 46-anyos, miyembro ng Lupong Tagapamayapa ng Barangay Gangauan, Amulung dahil sa dating alitan.
Sinabi ni De Leon na kinompronta ng suspek ang biktima dahil sa bintang sa umanoy pananaga ng biktima sa kalabaw ng kanyang kapatid.
Kaugnay nito, naging mainit ang sagutan ng dalawa hanggang sa umuwi ang suspek para kumuha ng tabas (bolo) at hinabol ang biktima at maka-ilang ulit na pinagtataga sa kanyang noo, mukha, leeg at kaliwang paa hanggang sa naputol.
Kusa namang sumuko sa pulisya ang suspek na nahaharap ngayon sa kasong pagpatay.