Nakialam ang High Court sa Ireland upang protektahan ang kapakanan ng isang magsasaka na nagbigay na ng mahigit €350,000 (halos ₱21.7 milyon) sa mga mahihirap at walang tirahan.

Ayon sa korte, ang lalaki—na nasa 40s ang edad—ay ibinenta ang kanyang bukirin sa halagang €600,000 at simula noon ay sunod-sunod na ang kanyang mga donasyon.

Pinaniniwalaan niyang inutusan siya ng Diyos na ipamigay ang lahat ng kanyang pera kapalit ng puwesto sa langit.

Sa harap ni Judge Michael Twomey, inilahad ng abogado ng Health Service Executive (HSE) na si Katherine Kelleher na mula Mayo ay bumaba ang bank balance ng lalaki mula €288,000 hanggang €250,000, at kamakailan lang ay nagbigay pa ito ng €1,000 sa isang babaeng walang tirahan.

Mas nakakabahala pa, ayon sa HSE, ay may overdraft na €65,000 sa isa sa kanyang mga account, indikasyon ng tuloy-tuloy at walang kontrol na pagbibigay ng pera.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, iniutos ng hukom ang pagtalaga ng isang guardian ad litem—isang kinatawang pipiliin ng korte upang tiyakin ang pinakamabuting interes ng lalaki.

Pinayagan din ng korte ang guardian na magsagawa ng lahat ng kinakailangang hakbang, kabilang ang pagbusisi sa mga bank account ng magsasaka.

Ang kaso ay muling tatalakayin sa Setyembre, at nananatiling hindi pinapangalanan ang lalaki alinsunod sa utos ng korte.