CTTO

TUGUEGARAO CITY-Nananawagan ang mga magsasaka sa lungsod ng Tabuk na amyendahan ang Rice Tarrification Law dahil hindi umano ito nakakatulong sa halip ay nagdudulot lamang ng pagkalugi.

Sa isinagawang forum kamakailan na inorganisa ng mga kooperatiba at ilang Religious Group, nagpasa ang mga ito ng isang resolusyon na humihiling sa kongreso na amyendahan ang Republic Act 11203 o Rice Tarrification Law.

Ito ay para maisali ang mga kaukulang solusyon na makakatulong sa mga magsasaka na naayon pa rin sa patakaran ng World Trade Organization (WTO).

Iginiit ng mga magsasaka na bukod sa pagkalugi ay malaki rin ang epekto nito sa ekonomiya ng lungsod ng Tabuk.

Nababahala ngayon ang mga ito na lalo pang bababa ang presyo ng palay sa pagdagsa ng imported rice na hindi naman nakatugon o nagpababa sa presyo ng bigas sa merkado.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang diin ng mga ito na hindi ikinonsidera ang interes ng mga magsasaka nang binuo ang naturang batas.

Hiling ng grupo na muling ibalik ang mandato ng National Food Authority (NFA) na magbigay ng permit sa mga importers kasama na ang rice monitoring sa rice industry at pagbabantay o pagtatakda sa presyo ng bigas.

Iginiit din ng mga ito na magkaroon nang kinatawan ang mga magsasaka sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF)Steering Committee.

Ang lungsod ng Tabuk ang rice granary ng Cordillera Administrative Region (CAR).