Isasampa ang kasong frustrated murder ngayong araw na ito laban sa isang magsasaka na nanaga sa kanyang kainuman sa Brgy. Tallang, Baggao, Cagayan.
Huli ang isang magsasaka matapos na tagain nito ang kanyang kainuman sa Brgy.Tallang, Baggao, Cagayan.
Kinilala ni PLTCOL.Osmundo Mamanao chief of police ng PNP Baggao ang biktima na si Juanito Cabaruan habang ang pinaghihinalaan naman ay si Jesus Alonzo, kapwa 63 anyos, magsasaka at residente sa nasabing barangay.
Lumalabas sa imbestigasyon na nagkaroon umano ng inuman ang pinaghihinalaan at ang biktima sa bahay ng kinilalang si Edmund.
Habang nasa kalagitnaan ng inuman ay nag-videoke ang biktima at kinanta ang kaparehong kanta ng pinaghihinalaan nang hindi niya alam.
Kinompronta ng pinaghihinalaan ang biktima na humantong sa kanilang pagtatalo.
Dahil dito, umuwi na si Alonzo at sumunod naman si Cabaruan na nagpaalam.
Makalipas aniya ng ilang minuto ay narinig ni Edmund ang sigaw ng biktima at sinasabing pinapatay na siya ng pinaghihinalaan.
Agad na tinungo ni Edmund ang pinanggalingan ng sigaw, kung saan nakita niya na duguan at may sugat sa ulo ang Cabaruan.
Agad tumawag ng tulong si Edmund at dinala sa pinakamalapit na pagamutan si Cabaruan.
Napag alaman na inabangan ng pinaghihinalaan ang biktima, kung saan tinaga niya ito sa kanyang ulo gamit ang itak.