Nasa kostodiya na ng pulisya ang isang magsasaka na sangkot umano sa gunrunning o ilegal na pagbebenta ng mga armas at pagnanakaw ng alagang hayop sa bayan ng Peñablanca.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Rolan Sibbaluca, 29-anyos at residente ng Barangay Baliuag.
Ayon kay PCAPT Rey Lopez, hepe ng PNP- Peñablanca, kasama ang Provincial Intelligence Branch ng Cagayan PNP ay rumesponde ang mga otoridad kaugnay sa impormasyong natanggap sa illegal na gawain ng suspek at isa pang kasamahan nito na hindi na pinangalanan.
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay nakasalubong ng mga otoridad ang suspek na may bitbit na baril at itinapon.
Pero sa halip na sumuko, tumakbo umano ang suspek at nang masakote ng pulisya ay nakumpiska sa kanyang bag ang isang .9mm caliber pistol, isang improvised 12 gauge shot gun na kargado ng mga bala at isang hand grenade.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at kasong paglabag sa RA 9156 o Illegal Possession of Explosives.
Iniimbestigahan na rin ng pulisya ang pagkakasangkot ng suspek sa mga ilegal na gawain.