Makakatanggap ng insentibo ang mga magsisilbing tutors sa ilalim ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program matapos na lagdaan ang implementing rules and regulations (IRR) ng programa.
Ang ARAL Program na itinatag sa ilalim ng Republic Act 12028 ay isang inisyatibong layuning tugunan ang learning loss at sa ilalim nito ay maaaring maging tutors ang mga guro, para-teachers at pre-service teachers na eligible sa programa.
Sa ilalim ng batas, makakatanggap ng umento ang mga gurong magsisilbing tutor salig na rin sa nakapaloob sa Magna Carta for Public School Teachers subalit kailangan muna nilang tapusin ang mandatong anim na oras na pagtuturo sa loob ng mga paaralan.
Hindi naman hihigit ang halaga ng kanilang dagdag na kompensasyon para sa dalawang oras batay sa Prime Hourly Teaching Rate at alinsunod na rin sa pamantayan ng Department of Budget and Management (DBM).
Sinabi naman ni Senator Sherwin Gatchalian na tiniyak na makakatanggap ng benepisyo ang mga gurong magsisilbing tutor sa programa bilang pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa ikatatagumpay ng ARAL Program.